Defense Secretary Lorenzana, nilinaw na ‘di niya inaakusahan ng pang-eespiya ang mga Chinese Nationals sa mga POGO centers

Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi niya inaakusahan ng pang-eespiya ang China sa pamamagitan ng Philippine Offshore Gaming Operations o POGO na malapit sa mga kampo militar.

Sinabi ni Lorenzana, itinaas niya lang ang alerto sa posibilidad na mangyari ito sa mga susunod na panahon dahil sa dami ng mga Chinese nationals na nasa mga POGO sa ngayon.

Pero kahit sinabi ito ng kalihim,  hindi naman daw mga militar ang mga Chinese nationals na nasa mga POGO at coincidence lang na maiksi ang kanilang gupit at matipuno ang pangangatawan.


Kaya hindi aniya imposible na magamit din ang mga Chinese nationals na ito sa pang-eespiya pagdating ng panahon.

Gayunpaman, binigyang diin ng kalihim na dapat munang pag-aralang mabuti kung dapat ipasara ang mga POGO tulad ng ginawa ng Cambodia.

Inamin ng kalihim na malaking benepisyo rin kasi sa ekonomiya ang mga POGO, kaya makikipag-usap muna siya sa mga miyembro ng economic cluster ng gabinete at PAGCOR bago magbigay ng rekomendasyon.

Una na aniya niyang iminungkahi na ilipat ang mga POGO sa isang “hub” na malayo sa mga militay camps at bantayan nang husto para masiguro na nakokolekta ng pamahalaan ang tamang buwis mula sa mga operasyong ito.

Facebook Comments