Inihahanda na ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang ihahaing House Resolution na nananawagan kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na magdeklara ng Mental Health Emergency sa harap ng tumataas na kaso ng student suicide sa bansa.
Kasunod ito ng report ng Department of Education (DepEd) sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na umabot na sa 404 youth students sa buong bansa ang nasawi dahil sa suicide nabang nasa 2,147 naman ang mga nagtangkang magpakamatay sa loob lamang ng Academic Year 2021-2022.
Sinabi ni Manuel, nakababahala na halos kada araw ngayon ay may naitatalang estudyante na nagpapakamatay at nagtatangkang tapusin ang buhay.
Sa report ng DepEd ay lumalabas din na ang ratio ngayon ng mental health professionals sa estudyante ay nasa 1:13,400 na ayon kay Manuel ay lubhang malayo sa ideal ratio na 1:500.
Sabi ni Manuel, sa ihahain niyang resolusyon ay nakapaloob din ang hiling na imbestigahan ang tumataas na kaso ng suicide at kung paano ito masosolusyunan.
Target din ng imbestigasyon na silipin kung naipatutupad nang maayos ang DepEd MATATAG Education Agenda na nagtatakda na dapat mayroong mental health services sa bawat paaralan.