Kinontra ng Department of Health (DOH) ang anununsyo ni United Kingdom (UK) Prime Minister Boris Johnson na mas delikado at mas nakamamatay ang UK variant ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, premature o masyado pang maaga para sabihin na mas delikado ang UK variant dahil wala pang ebidensyang susuporta rito at patuloy pa ang pag-aaral ng mga eksperto sa iba’t ibang variants ng COVID.
Inihayag naman ni Health Sec. Francisco Duque III na kahit ano pang variant ang makapasok sa bansa kaya itong labanan basta’t pairalin ang disiplina sa sarili o panatilihin ang pagsunod sa minimum health standards na pinaiiral ng gobyerno.
Isinisini rin ni Duque sa mga paglabag sa health protocols ng mamamayan ng UK ang muling paglobo ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa tulad ng pagdaraos ng mass gatherings at iba pa.
Nilinaw rin ng mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) ng DOH na masyado pang maaga para sabihin na mayroon nang local transmission ng UK variant sa bansa dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon dito
Ito ay bagama’t may nakumpirma nang 17 kaso ng UK variant sa bansa kung saan karamihan nito ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Hindi rin inaalis ng DOH ang posibilidad na magkaroon sa bansa ng Philippine variant ng virus kasi normal naman na mag-mutate ang mga virus.
Ang kailangan lamang anilang gawin ay panatilihin na mapababa ang kaso ng virus sa bansa at mahalaga ang pagsunod sa health protocols.