Tinutulan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deklarasyon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nasa second wave na ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) infections ang Pilipinas.
Ayon kay IATF adviser Dr. Anthony Leachon, nasa first wave pa lang ng COVID-19 outbreak ang bansa.
Aniya, ang unang tatlong kaso ng virus sa Pilipinas na pawang mga Chinese national na sinasabi ni Duque na first wave ng COVID -19 ay maituturing lang aniyang “first index cases”.
Nangyayari lang aniya ang second wave kapag na-flatten na ang curve at bigla itong tumaas muli matapos na paluwagin ang quarantine restrictions gaya ng nangyari sa Singapore.
Tinutulan din ni DILG Secretary Eduardo Año ang naging pahayag ni Duque at tiniyak na pag-uusapan nila ito sa meeting ng IATF.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, dapat na batay sa reliable data ang pronouncement ng kalihim kung saan dapat na naisasailalim na ng bansa sa testing ang 20,000 indibidwal kada araw.
Giit naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, kailangan muna ng sapat na testing at matapos ang nasa 7,000 test results backlog bago masabing napababa na ng bansa ang kaso ng COVID-19.
Nagbabala rin ang minority senators kay Duque laban sa naging pronouncement nito dahil posible itong magdulot ng policy decisions na makati-trigger sa panibagong bugso ng COVID-19 cases.