
Sinita ni House Speaker Martin Romualdez ang mabagal na pagpapalabas ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Sa kaniyang talumpati bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso, iginiit ni Romualdez sa DBM na ayusin ang kanilang trabaho, bilisan ang mga proseso, at tiyaking maayos na naipatutupad ang mga programa para sa mamamayan.
Binigyang-diin ng Speaker na hindi dapat maantala ang serbisyo publiko, kasabay ng pahayag na, “Aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo,” bilang paglalarawan sa kahalagahan ng agarang aksyon.
Ipinagmalaki rin ni Romualdez na napagtibay na ng Kamara ang 17 sa 52 prayoridad na panukalang batas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Gayunman, ayon sa Speaker, maituturing na kulang ang paglilingkod kung hindi ganap at epektibong naipatutupad ang mga batas—lalo na kung nananatili lamang ang mga ito sa papel dahil hindi nailalabas ang inilaang pondo.










