Pinagsasagawa ng imbestigasyon ang Kamara kaugnay sa delayed na paglalabas ng pondo para sa unconditional cash transfer (UCT) program.
Ang UCT program na nasa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay nagbibigay ng cash assistance sa mga pinakamahihirap na pamilya na P200 kada buwan sa unang taon habang P300 kada buwan sa susunod naman na tatlong taon.
Sa House Resolution 2369 na inihain ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, ipinunto na noong 2019 nasa 83% lang ng unconditional cash transfers sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang na-disburse o naibayad na habang sa 2020 ay nasa 60.7% lang ng UCT ang naibigay na sa beneficiaries.
Mayroong alokasyon na P36.49 billion para sa UCT sa 2020 at may P8.9 billion sa pondo ang hindi pa nai-didisburse o naipamahagi dahil sa problema sa payroll files ng beneficiaries.
Dahil dito, inaatasan ng kongresista ang House Committee on Social Services na silipin ang delayed release ng UCT funds dahil nag-lapse na ang nasabing programa at marami pa sa mga benepisyaryo ang hindi pa nakakatanggap ng tulong pinansyal.