Delayed sa delivery ng toolkits para sa mga TESDA scholars, ikinadismaya ng isang kongresista

Dismayado ang Kamara sa delayed na delivery ng toolkits ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa libo-libong scholars na nagtapos sa programa ng ahensya noong 2019.

Giit dito ni Makati Rep. Luis Campos, dapat ay noon pang nagsasanay ang mga scholars sa kanilang training o noong graduation man lang sana naibigay ang mga toolkits.

Pero, ngayon lang buwan dumating ang mga toolkits at duda ang kongresista kung matatanggap pa ito ng mga intended beneficiaries lalo pa’t inamin ng TESDA na marami sa mga graduates ang hindi na ma-trace ng ahensya.


Ang mga toolkits ay bahagi ng ‘sets of gadgets’ na ibinibigay sa mga TESDA scholars nang libre para sa kanilang training.

Ilan sa mga toolkits na ito ay ginagamit sa baking, electrical installation at iba pa.

Dahil dito, pagpapaliwanagin ang TESDA officials sa Kamara kaugnay sa mababang performance nito sa kabila ng malaking pondong inilalaan dito ng Kongreso taon-taon.

Batay sa Commission on Audit (COA) report, mayroong ₱2.6 billion na idle funds noong December 2020 ang TESDA bukod pa sa ₱3 billion parked funds nito na inilagay sa Philippine International Trading Corp. (PITC).

Nauna na ring nasita ang TESDA sa ₱2.1 billion na pondo sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) dahil anim lang sa 100 graduates ang nakakapasok sa trabaho.

Facebook Comments