DELIKADO | Dengue vaccine, delikado sa mga hindi pa nadapuan ng nasabing sakit

Manila, Philippines – Kinumpirma ng manufacturer ng dengue vaccine na maaring delikado ang naturang gamot sa mga hindi pa nagkakaroon ng nasabing sakit.

Ayon sa Sanofi Pasteur, may bagong analysis sila ng long-term clinical trial data hinggil sa dengue vaccine Dengvaxia.

Batay sa pag-aaral, may benepisyo laban sa dengue ang vaccine para sa mga taong nagkaroon na ng dengue fever pero maaaring makasama kung itinurok ito sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit.


Dahil dito, sinabi ni Health Secretary Fransisco Duque na makipagpulong siya sa expert panel para matukoy ang susunod na hakbang.

Mababatid na ang Pilipinas ang pinaka-unang bansa sa Asya na nag-apruba sa naturang bakuna para sa edad 9 hangang 45-anyos noong December 2015.

Mula noon, nasa P3-bilyong halaga ng Dengvaxia ang nabili ng gobyerno na para sa isang million public school children sa mga lugar na may mataas na insidente ng dengue noong 2015.

Ito ay kinabibilangan ng National Capital Region, region 3, at region 4A.

Ang bakuna ay kailangan maibigay ng tatlong phases sa 6 na buwang intervals simula noong April 2016.

Facebook Comments