Manila, Philippines – Nagbabala ang isang environmental group sa publiko hinggil sa pagbili ng mga lipstick na may sangkap na mga nakalalasong kemikal.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, ilang brand ng lipstick na itinitinda sa halagang P15 hanggang P35, ang isinailalim nila sa chemical screening.
Aniya, natuklasan nila na may mga sangkap na toxic metal gaya ng lead, arsenic, cadmium at mercury ang mga mumurahing lipstick.
Ang mga nakalalasong lipstick na ito aniya ay posibleng maging sanhi ng ilang sakit sa nervous system, baga at atay.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa Food and Drug Administration (FDA) at sa Bureau of Customs (BOC) na higpitan ang pagbabantay at pagkumpiska sa mga peke at hindi rehistradong produkto.
Hinikayat din ng EcoWaste Coalition ang mga konsumer na maging alerto at magsumbong agad sa mga awtoridad kapag may nabiling pampagandang hinihinalang peke o mababa ang kalidad.