Manila, Philippines – Nangangamba si opposition Senator Risa Hontiveros na magmistulang bangungot ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa Philippine National Police o PNP ang implementasyon ng war on drugs.
Diin ni Hontiveros, delikado sa publiko ang plano ng Pangulo.
Muli na naman aniyang mabubuhay ang paglobo ng kaso ng extra judicial killings kasabay ng unti-unti pagkamatay ng tiwala ng publiko sa Pambansang Pulisya.
Si Senator Panfilo Ping Lacson naman ay tiwalang natuto na ng leksyon ang PNP at magiging mas maingat na ito sa muling pangunguna sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay Lacson, ito ang nakuha niyang sentimyento sa pakikipag-usap sa mga senior grade officials ng PNP.
Ang nakikitang dahilan ni Lacson ay ang matinding batikos na inani ng PNP sa naunang paghawak nito sa war on drugs dahil sa mga naitalang pag-abuso at paglabag sa karapatang pantao na pawang inimbestigahan ng Senado.