Delivery express ng Transport Network Vehicles, hiniling na ipahinto na

Manila, Philippines – Ipinahihinto na ni House Committee on Transportation Vice Chairman Edgar Mary Sarmiento ang delivery express ng mga package ng mga Transport Network Vehicles tulad ng Uber at Grab.

Sa pagdinig ng Committee on Dangerous Drugs, iginiit ni Sarmiento na huwag ng pahintulutan ang pagdedeliver ng package partikular sa Grab dahil ilang insidente na ang nangyari kung saan nahuli ang driver na naghahatid ng iligal na droga.

Ang Grab ang siyang may serbisyo ng pagdeliver ng mga package habang wala namang ganitong serbisyo ang Uber.


Sinabi ni Sarmiento na ang TNVs ay idinesenyo para sa paghahatid ng pasahero at hindi sa pagdedeliver ng package.

Dagdag pa ni Sarmiento, umaabot sa 2.7 Million ang kita sa iligal na droga kaya hindi nakapagtataka na gagawa ng paraan ang mga drug lords na maihatid ang droga sa mga parokyano nito.

Ayon pa sa kongresista, matatalino ang mga nasa likod ng iligal na droga dahil kung minsan ay sadyang nagpapahuli ang mga ito para ma-divert ang atensyon ng mga otoridad sa iba pang malalaking transaksyon ng iligal na droga.

Facebook Comments