Delivery ng election forms sa ilang rehiyon sa bansa, natapos na

Kinumpirma ng Commission on Elections o Comelec na nakumpleto naang distribusyon ng accountable forms para sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2023 sa 30 ng Oktubre.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, 100 percent ng tapos ang deliveries ng election documents para sa Cordillera Administrative Region o CAR, Region I, Region II, Region III at Region V.

Para sa Regions IX, X, XII at BARMM, sinabi ni Garcia na hinihintay na lamang ang kumpirmasyon kung natapos na ang delivery.


Ngayong araw, Oktubre 18, ibibiyahe na ang mga election document mula sa warehouse sa Sta. Rosa, Laguna papuntang Region IV-A.

Para sa National Capital Region (NCR), nakaiskedyul na sa Oktubre 19 at 20 ang paged-deliver ng election forms.

Samantala, sa pinakahuling data kagabi, may 6,640 na ang naipalabas na show cause orders ng Comelec para sa unverified complaints, 327 ang napadalhan ng subpoena o ipinatawag dahil sa paglabag sa election rules.

Sa mga napadalhan ng SCOs, 3,184 na ang nagsumite ng tugon sa Comelec; may 304 na posibleng ma-disqualify; at 723 na reklamo ang dinismiss dahil sa kawalan ng factual basis.

Kahapon, Oktubre 17, ang Comelec Anti-Epal Task Force ay naglabas ng 78 Show Cause Orders para sa unverified complaints; nagpadala ng subpoena sa 179 na kandidato dahil sa verified complaints at nakapaghain ng petitions for disqualification laban sa tatlong kandidato.

Facebook Comments