Cauayan City – Timbog ang isang delivery rider sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga sa Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Aljon, bente sais-anyos, walang asawa, at residente ng nasabing lungsod.
Narekober mula sa suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu, lukot na aluminum foil na may natitirang ilegal na droga, isang libong piso bilang buy bust money, android phone, sling bag, at ilang disposable lighters.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya na ng PDEA at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Samantala, ang nasabing operasyon ay ikinasa ng pinagsanib pwersa ng Provincial Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit, mga operatiba ng Tuguegarao Component City Police Station at 1st PMFC sa pakikipag-ugnayan sa PDEA.