Delivery Rider, Na-modus dahil sa ‘PABAYAD SERVICE’ ng isang Ginang sa Isabela

Cauayan City, Isabela-Inirereklamo ng ilang delivery rider ng kilalang mga kumpanya ang isang customer na nag-SCAM umano sa kanila matapos hindi bayaran ang perang ginamit ng mga rider na ipinambayad sa isang bills payment at pagbili ng grocery items.

Isang nagpakilalang ‘Teresita Edaño Rivera’ ang nasa likod umano ng nasabing panloloko sa mga rider kung kaya’t pahirapan sa mga awtoridad ang pagtukoy sa kinaroroonan ng nasabing suspek.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay alyas ‘Mark’, food service delivery rider, nag-message sa facebook page ng delivery food service ang naturang suspek para ipabayad ang bills payment na halagang P2,356 at magpabili naman ng grocery items na tomato sauce, pasta at hotdog na umabot sa halagang P368.


Nang subukan ng tawagan ng rider ang suspek para sabihing nabayaran na ang kanyang bills at nabili na ang grocery item ay hindi na ito matawagan pa at naka-blocked na rin ito sa phone ng rider.

Sinubukan rin na tawagan ang number ng suspek gamit ang ibang phone subalit hindi ito sumasagot sa tawag ng sinuman.

Agad namang isinangguni ng biktimang rider sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang naging karanasan upang magkaroon ng inisyal na hakbang ang mga awtoridad sa pagtugis sa suspek na nanloko.

Bukod dito, isa pang rider sa Solano, Nueva Vizcaya ang nabiktima rin ng naturang suspek sa kaparehong modus na pababayaran ang ‘bills’ na umabot naman sa kabuuang P2,958.

Posible rin umano na nagpapalit-palit ng home address ang suspek para hindi matunton ang kanyang kinaroroonan.

Naging aral na umano para sa ilang biktimang rider ang sinapit nila dahil ayon sa kanila maraming tao ang nananamantala sa pandemya sa kabila ng nagtatrabaho sila ng maayos para kumita.

Facebook Comments