Arestado ang isang delivery service rider matapos mabistong magpapadala ng shabu sa isang Chinese national sa Makati City, Huwebes.
Ayon sa pulisya, nahuli ang kinilalang si Peter Symon Obusan, 38, sa isinagawang Oplan Sita sa Nicanor Garcia Street, Barangay Bel-Air bandang 2:45 a.m.
Bukod sa lagpas na sa oras ng curfew ang biyahe, sinita rin ang rider dahil walang side mirror ang motorsiklo nito.
Nagtangka pa umano itong tumakas, ngunit napigilan din ng awtoridad.
Nakuha kay Obusan ang nasa P70,800 halaga ng shabu, isang glass tube tooter, P500 cash, cellphone, at sling bag.
Nakumpirma ng pulisya sa isang text message na ihahatid sana ng suspek ang ilegal na droga sa isang Chinese.
Dipensa naman ng suspek, herbal medicine umano ang sinabi sa kanya na laman ng naka-bubble wrap na package na ipinapadala kapalit ng P500.
Nakadetina na sa Makati Police Station si Obusan na nahaharap sa reklamong resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.