Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi minamaliit ng pamahalaan ang mas nakakahawang Delta variant.
Ito ay sa kabila ng desisyong panatilihin ang General Community Quarantine with heightened restrictions sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, nais lamang ng pamahalaan na patuloy na tumatakbo ang ekonomiya habang pinipigilan ang pagkalat ng sakit.
Aniya, binabalanse ng pamahalaan ang ekonomiya at ang kalusugan.
Kung wala namang aniyang mahalagang lakad ay mas makabubuting manatili muna sa loob ng bahay.
Sinabi ni Lopez na hindi binago ang quarantine restrictions dahil nakikita namang manageable ang kaso.
Kapag ibinalik ang mga lugar sa enhanced community quarantine (ECQ), ang matinding maaapektuhan ay ang micro, small and medium enterprise (MSME) sector.
Sa ngayon, ang unemployment rate sa bansa ay nasa 7.7%, at target nilang maibaba ito sa 6 hanggang 5 porsyento.