Posibleng resulta lamang ng laboratory contamination at hindi isang bagong variant ng COVID-19 ang “Deltacron” na nadiskubre sa Cyprus lab noong Sabado.
Sinasabing ang Deltacron ay isang hybrid coronavirus mutation na may genetic background ng Delta variant at Omicron.
Bagama’t posibleng maghalo ang magkaibang uri ng coronaviruses, sobrang bihira lamang nito ayon sa mga eksperto.
Sabi ni Jeffrey Barrett, head ng COVID-19 Genomics Initiative ng Wellcome Sanger Institute sa Britain, maaaring ang Deltacron ay hindi talaga kombinasyon ng Delta at Omicron dahil matatagpuan ang mutation nito sa bahagi ng genome na vulnerable sa pagkakamali ng isang sequencing procedures.
Samantala, nilinaw naman ng Department of Health (DOH) na tanging ang World Health Organization (WHO) lamang ang may awtoridad na tumukoy ng bagong variant ng COVID-19.
Sa harap na rin ito ng naglalabasang ulat tungkol sa mga bagong variant ng COVID-19 kabilang na ang Delmicron, Deltacron at Flurona na kombinasyon naman ng flu at coronavirus.