Dengue cases sa bansa, tumaas sa 131%

Tumaas pa sa 131% ang dengue cases sa bansa.

Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Secretary Maria Rosario Vergeire sa organizational meeting ng Senate Committee on Health and Demography na pinangunahan ng Chairman na si Senator Christopher “Bong” Go.

Ayon kay Vergeire, hanggang July 30 ay nasa 131% ang itinaas ng kaso ng mga nagkakasakit ng dengue sa bansa kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.


Mula aniya nitong buwan ng Mayo ay nagsimula ang pagtaas sa kaso ng mga nagkakasakit ng dengue habang noong July 3 hanggang July 30 ay naitala ang magkakasunod na pagdami ng bilang ng mga kaso.

Dagdag pa aniya rito, 29 na mga probinsya, highly urbanized cities at independent component cities ang lumagpas sa ‘epidemic threshold’ at nagpakita ng tuloy-tuoy na pagtaas sa dengue cases.

Mahigit sa kalahati sa mga kaso ng nasasawi sa dengue ay 15 taong gulang pababa at 6 sa bawat sampung kaso ng sakit ay may warning signs na nangangailangan ng agarang konsultasyon upang maiwasan ang komplikasyon o pagkamatay.

Tiniyak naman ni Vergeire na aktibo ang ahensya sa pakikipag-unayan sa mga lokal na pamahalaan para sa paglalatag ng mga programa at proyekto upang labanan ang sakit na dengue.

Mayroon na rin aniyang inilaan na pondo ang ahensya sa mga regional offices para sa iba’t ibang dengue response activities at nakapagbigay rin sila sa LGUs ng mga kinakailangan tulad ng insecticides, vector control supplies at dengue rapid diagnostic kits gayundin ang pagkasa ng information dissemination sa mga komunidad.

Facebook Comments