Lalaki na Sumugod sa TODA, Sugatan Matapos Masaksak

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang isinasailalim sa inquest proceedings sa piskalya ang isang traysikel drayber matapos manaksak ng isang lalaki sa Research Minante 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Joel Guzman, 51 taong gulang, may-asawa, helper, at residente ng Research Minante 1, Cauayan City habang ang suspek ay si Charlie Corpuz, 66 taong gulang, may-asawa, traysikel drayber at residente naman Brgy. Labinab, Cauayan City, Isabela.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, habang nakaupo at naghihintay ng pasahero ang suspek sa Research Minante 1 TODA, biglang dumating ang biktima at kinompronta ang suspek.

Ito ay dahil umano sa pakikipag relasyon ng traysikel driver sa misis ng biktima.

Humantong sa matinding alitan ang dalawa at nang undayan ng suntok ng biktima ang suspek ay nakailag ito. Kumuha pa ng upuan ang biktima para ipalo sa suspek subalit dito na naglabas ng patalim mula sa sling bag ang suspek at isinaksak ng isang beses sa tagiliran ng biktima.

Agad na dinala sa ospital ng mga rumespondeng kasapi ng Rescue 922 ang biktima para sa kaukulang lunas. Dinakip naman ang traysikel driver na suspek at dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon.

Mahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang suspek.

Facebook Comments