Luna, Isabela – Malaki ang paniniwala ni Mayor Jaime N. Atayde ng Luna, Isabela, na muling magkakaroon ng dengue outbreak sa taong 2019.
Aniya, kada limang taon lumalabas ang malakihang kaso ng dengue sa kanyang bayan.
Sinariwa pa ng alkalde na noong taong 2014, ang Luna ang pinakaunang nagdeklara ng dengue outbreak sa kabila ng marami ring kaso ng naturang sakit sa iba’t ibang bayan sa Isabela.
Ayon naman kay mayor Atayde, bilang paghahanda sa pinangangambahang muling pagsiklab ng nasabing kaso, ay una ng nagpamigay ng power spray ang kanilang bayan upang magamit sa kahit simpleng senyales ng sakit matapos hindi magtagumpay ang operasyon ng mosquito fogging sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng mayor, kahit nasa lima hanggang anim na milyong piso kada taon ang ginagasta ng kanilang bayan para sa kampanya kontra dengue, ay wala pa ring kasiguruhan na tuluyan ng masusugpo at wala ng maitatalang kaso ng dengue sa bayan ng Luna.