DENGVAXIA CONTROVERSY | Pagsasampa ng kaso kay dating Pangulong Aquino at Secretary Abad at Garin, nakatakdang irekomenda

Manila, Philippines – Pinapalantsa na ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon, ang committee report kaugnay sa isinagawang pagdinig sa Dengvaxia controversy.

Sa impormasyon ni Committee on Health Chairman Senator JV Ejercito, laman ng committee report ang rekomendasyon sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagbili ng Dengvaxia.

Kabilang dito sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janet Garin.


Sabi ni Ejercito, mga kasong technical malversation at negligence ang maaring isampa laban sa nabanggit na mga dating opisyal.

Kasama din aniya sa irerekomendang sampahan ng kaso ang Sanofi Pasteur na hindi naging tapat o nagtago sa lahat ng impormasyon ukol sa ibinentang bakuna.

Ayon kay Ejercito, malinaw sa senate hearings na minadali ang pagbili ng bakuna sa kabila ng babala ng mga health experts tulad ni US based Dengue expert Dr. Scott Halstead laban sa posibleng hindi magandang epekto nito sa kalusugan.

Tinukoy ni Ejercito ang naging pahayag noon ni Dr. Halstead na masama ang Dengvaxia sa mga hindi pa nagka-dengue subalit itinuloy pa rin ng ating gobyerno ang mass immunization kung saan umabot sa 830,000 nabakunahan nito.

Facebook Comments