DENGVAXIA | Dating Pangulong Aquino at iba pang dating opisyal, sinampahan ng kaso

Manila, Philippines – Sinampahan ng grupong Gabriela Women’s Party ng kasong graft sa Office of the Ombudsman sina dating Pangulong Noynoy Aquino at ilang mataas na opisyal ng nagdaang administrasyon kaugnay ng Dengvaxia Fiasco.

Kabilang sa mga isinama sa kaso ay sina dating Health Secretary Janet Garin, dating Budget Secretary Butch Abad, dating Executive Secretary Pacquito Ochoa at ang mga executives ng Sanofi Pasteur.

Batay sa complaint ng Gabriela, nagkaroon ng kapabayaan o gross negligence ang mga dating opisyal nang hindi nila tiniyak na sumailalim sa pagsusuri ang Dengvaxia bago itinurok sa may 800,00 na mga bata.


Pinaboran umano ng mga nabanggit na opisyal ang Sanofi nang ilunsad ang malawakang vaccination kahit hindi pa pinal ang test dito.

Dumulog sa Korte Suprema ang Gabriela para hilingin na obligahin ang gobyerno na bigyan ng libreng konsultasyon at serbisyong medical ang mga naturukan ng Dengvaxia vaccine.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon for Mandamus ang pitumpung mga magulang ng mga batang nabakunahan ng DOH.

Ayon sa Gabriela, sa ganitong paraan mapapanatag ang isip ng mga magulang ng mga batang nabigyan ng bakuna.

Naniniwala ang mga petitioner na malaki ang pananagutan ng mga nasa likod ng naturang programa tulad ng DOH, DepEd at DILG.

Kabilang sa respodents sa petisyon sina Health Secretary Francisco Duque III, Education Secretary Leonor Briones, DILG OIC Catalino Cuy, Dr. Lyndon Lee Suy, program director ng DOH-National Center for Disease Prevention and Control at Food and Drug Administration Director General Nela Charade Puno.
Kinumpirma ng Gabriela na dumadagsa sa kanila ang sulat mula sa mga magulang ng mga nabakunahan ng Dengvaxia matapos silang maglunsad ng Dengvaxia hotline.

Facebook Comments