Manila, Philippines – Ayaw nang patulan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga akusasyon sa kanya ni Public Attorney’s Office Chief Percida Acosta hinggil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Duque na walang batayan ang pagsasampa sa kanya ng kaso ni Acosta gayundin ang panawagan nitong magbitiw siya sa pwesto.
Ipinagtataka rin daw niya kung bakit siya ang pinupuntirya ng PAO gayong hindi naman siya ang nagpasimuno ng Dengvaxia.
Aminado naman si Duque na nakaapekto talaga sa vaccination program ng gobyerno ang mga akusasyon ng PAO.
Sa ngayon, mas focus aniya ng ahensya ang iba pang usapin tulad ng universal health care habang nagpapatuloy din ang kampanya nito para mapigilan ang pagdami ng kaso ng tuberculosis at HIV/ AIDS.