Manila, Philippines – Sumugod at nag piket ang Gabriela Women’s Party at Dengvaxia Watch, kasama ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng dengvaxia sa Sanofi office sa Makati City.
Ito ay makaraang tanggihan ng Sanofi Pasteur ang hiling ng Department Of Health na full refund sa ginamit na Dengvaxia Vaccine.
Sinabi Dengvaxia Watch spokesperson Cora Agovida, batid naman na hindi kayang tumbasan ng refund ang hirap at takot ng mga magulang at kanilang mga anak, maaari naman daw itong makatulong sa pagbibigay ng kinakailangang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga bata na nabakunahan ng Dengvaxia.
Ang refund ay maaaring gamitin upang magbigay ng testing at iba pang laboratory services para sa higit sa 830,000 mga bata na nabakunahan ng Dengvaxia.
Ang full refund ay makakatulong anila sa pagsubaybay at pagpapanatili sa Kalusugan ng kanilang mga anak.
Kasabay nito, hiniling din ng grupo sa Duterte administrasyon na palakasin ang suporta sa public health care sa pamamagitan ng pagdaragdag ng higit pang pondo para sa hospital facilities at pagkuha ng mas maraming doktor, nurses at healthcare workers.
Binigyan diin ng grupo ang pangangailangan para sa pamahalaan na wakasan ang pagdepende nito sa mga dayuhang pharmaceutical company at sa halip ay ibigay ang buong suporta sa research and development ng mga lokal na pharmaceutical company.