DENR-DINAPIGUE, ISABELA, NAGPALAYA NG ISANG GIANT CLOUD RAT

CAUAYAN CITY – Pinalaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sub-Office sa Dinapigue, Isabela ang isang Northern Luzon giant cloud rat (Phloeomys pallidus).

Ayon sa ulat, natagpuan ng DENR personnel ang nasabing hayop sa gilid ng kalsada sa Barangay Ayod, na bahagi ng Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP) at kinikilalang mahalagang biodiversity area.

Sa takot na maaksidente ito sa mga dumadaang sasakyan, agad itong kinuha ng mga opisyal para sa pansamantalang pangangalaga.

Sa inisyal na assessment, natukoy na nasa maayos na kalagayan ang cloud rat at walang anumang napansing sugat. Dahil walang available na municipal veterinarian, ang mismong DENR staff ang nagsagawa ng physical check-up at kinumpirmang maaari na itong ibalik sa kagubatan.

Bilang suporta sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, magpapatuloy ang DENR sa pagsasagawa ng gabi-gabing pagbabantay sa mga sensitibong bahagi ng NSMNP at sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kahalagahan ng wildlife conservation.

Kabilang sa mga hakbang ay ang pagtatanim ng katutubong halaman, pag-alis ng invasive species, at iba pang ekolohikal na hakbang para sa pangmatagalang proteksyon ng nasabing habitat.

Bagama’t itinuturing ng International Union for the Conservation of Nature (IUCN) bilang Least Concern ang giant cloud rat, mahalaga pa ring masiguro ang tuloy-tuloy na pangangalaga sa kanilang natural na tirahan upang mapanatili ang biodiversity sa rehiyon.

Facebook Comments