DENR-EMB, maglalaan ng mahigit ₱250-M para maglagay ng trash traps sa mga maduming ilog

Nakatakdang gumastos ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ng mahigit ₱250-M para latagan ng 268 trash traps ang mga daluyan ng tubig o tributaries patungong Pasig, Tullahan, Meycauayan, at Pampanga Rivers.

Kabilang ang mga ito sa may pinakamaruming ilog at may malaking kontribusyon sa polusyon sa Manila Bay.

Ayon kay EMB Director William P. Cuñado, layunin ng proyekto na mapabuti ang waste collection at disposal sa mga daluyan ng tubig na makatutulong na makabawas sa pagbabaha kapag panahon ng tag-ulan.


Nakikipag ugnayan na ang DENR sa mga local government para sa procurement at installation ng trash traps sa mga strategic locations sa kanilang mga komunidad .

Magkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation (DOD) sa pagitan ng EMB Regional Office at ng tatanggap na mga Local Government Unit (LGU).

Sa ilalim ng MOA, ibabahagi para sa apat na natukoy na ilog ng bureau at LGU ang mga kagamitan tulad ng bagong trash traps, manually operated waste lifter, plastic boat, at mga kasangkapan para sa operasyon.

Para sa proyektong ito, maglalaan ang EMB-National Capital Region ng ₱100,160,000 at ₱150,240,000 naman sa Region 3, sa kabuuang halaga na ₱250,400,000.

Facebook Comments