Pinag-aaralan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gumawa ng legal na hakbang kapag hindi binigyan ang kanilang mga tauhan ng access sa ostrich na nagviral at nakitang tumatakbo sa isang subdivision sa Quezon City.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, ang technical at medical team mula sa DENR-National Capital Region (NCR) at Biodiversity Management Bureau (BMB) ay agad na nagtungo sa lugar noong araw na naispatan ang ostrich sa viral video.
Sinabi ni Antiporda na hindi sila pinapasok ng mga guwardya sa subdivision.
Nakipagcoordinate ang DENR team sa homeowners association at sa Local Government Unit (LGU) para imbestigahan ang nangyaring pagkawala ng ostrich at humingi ng karagdagang detalye hinggil dito.
Inaasahan din sana na makapagsasagawa ang kanilang team ng regular inspection at monitoring ng wildlife sa subdivision.
Sakaling hindi pa rin sila bigyan ng access ng may-ari ng ostrich ay hahanap na sila ng legal action.
Inaalam na nila kung sino ang may-ari o nag-aalaga sa mga ostrich dahil natuklasan nila na ang hawla ng mga ito ay matatagpuan sa bakanteng lote sa subdivision.
Una nang nanawagan ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa DENR na bawiin ang wildlife permits sa mga hindi marunong mag-alaga wild animals.