DENR, hiniling sa Kamara na bumuo ng batas para sa retrieval o recovery ng mga plastics

Suportado ng mga kongresista ang iminungkahi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na retrival o recovery ng mga ginamit na plastic na makatutulong sa publiko, sa mga negosyante at sa kapaligiran.

Sa ginanap na virtual hearing ng House Committee on Ecology, sinabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na hindi nila tuluyang ipinagbabawal ang paggamit ng plastic pero mahigpit nilang tinututulan ang hindi tamang disposal o pagtatapon ng plastic.

Bilang solusyon, iminungkahi ni Antiporda sa mga kongresista na lumikha ng batas na mag-oobliga sa mga plastic producer na gumawa ng sistema kung paano ma-re-retrieve o maibabalik sa kanila ang mga plastic na ginamit sa mga produkto.


Kasama rin sa rekomendasyon ang pagbibigay ng discount sa mga consumers sa kanilang susunod na pagbili ng produkto, para nakapag-ipon at makapagbalik ang mga ito ng ginamit na plastic, sachet, bag o container gayundin ang pagpaparusa sa mga producers na hindi makakasunod sa retrieval system.

Sa ganitong paraan ay walang masasaktan na mga manggagawa mula sa mga manufacturers ng plastic, makakamura pa rin ang publiko at makakatulong pa ito sa kalikasan.

Kapwa naman sinuportahan nila Minority Leader Benny Abante at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang panukala na anila’y win-win solution para sa lahat.

Tinalakay din sa pagdinig ang House Bill 6279 ni Rodriguez kung saan pinabubuo ng ‘scheme’ ang mga plastic producer para ma-retrieve ang mga plastic at gamitin sa energy o fuel gayundin ang House Bill 5773 ni Abante kung saan ipagbabawal naman ang paggamit ng single-use plastic.

Facebook Comments