Humihiling ngayon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P181.6 million na alokasyon para sa pagtatayo ng preliminary treatment at storage facility para sa coronavirus-related healthcare waste.
Ito’y mula sa P774 million solid waste management program budget para sa taong 2022.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, plano ng ahensya na pondohan ang mga lokal na pamahalaan sa wastong pagkolekta, treatment, storage at disposal ng protective personal equipment, syringes, vials at iba pang COVID-related healthcare waste mula sa households, vaccination sites, testing at quarantine facilities.
Ayon kay Cimatu, ang plano ay makatutulong na matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 related healthcare wastes sa bansa ngayong may pandemya.
Ang pondo ay idaraan ng DENR sa regional offices at ang bawat LGU ay makatatanggap ng P800,000 para sa pagpapatayo ng special waste facilities.
Nilinaw ng DENR na sa COVID-19 na ang healthcare waste program ay para sa LGUs at hindi kasama ang medical wastes na manggagaling sa mga ospital.