DENR, iginiit na hindi ang dolomite project ang nagdulot ng fish kill sa Baseco

Mariing itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang dolomite sand na ginagamit para sa Manila Bay nourishment project ang nagresulta ng fish kill incident sa Baseco beach sa Tondo, Manila.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, makikita sa mga mapa na ang lugar kung saan nangyari ang fish kill ay malayo mula sa beach nourishment project.

Aniya, ang Baseco ay limang kilometro ang layo mula sa Baywalk.


Bukod dito, mayroong breakwater na naghihiwalay sa dalawang lugar.

“Ang hangin natin ngayon ay habagat papunta sa Baywalk area along Roxas Boulevard. How does it happen na papunta sa Baywalk ang hangin at sa Baseco nakuha ang mga patay na isda? Dapat nasa pier o Baywalk napadpad ang mga patay na isda,” punto ni Antiporda.

“Very erroneous ‘yung allegation kasi if you will look at the distance talagang napakalayo. ‘Yung direction din ng hangin, which is ‘habagat,’ hindi rin tumutugma sa lugar kung nasaan ang mga patay na isda,” dagdag pa ni Antiporda.

Binanggit din ni Antiporda ang nangyaring fish kill noong nakaraang taon sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park kung saan ang mababang concentration ng dissolved oxygen sa tubig ang ikinamatay ng maraming isda sa lugar.

Gayumpaman, hindi nila inaalis ang posibilidad na posible itong sabotahe lalo na at maraming tutol sa proyekto.

Nagsasagawa na ang DENR ng imbestigasyon na inaalam na ang kalidad ng tubig sa lugar.

Facebook Comments