Manila, Philippines – Sa nagpapatuloy na Mining conference sa hotel Sofitel, nananawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga mining industries na itaas ang kanilang kontribusyon o buwis na ibinabayad sa pamahalaan.
Muling ipinaalala ni Environment Undersecretary Joan Leones, kinatawan ni DENR Secretary Roy Cimatu sa nasabing pulong na nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na magdagdag pa ng kontribusyon para sa ekonomiya ang mga minahan, pero hindi dapat naisasantabi ang kapakanan ng kalikasan at ng publiko.
Kung maaalala, sa nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ni Duterte noong July 24, binalaan nito ang mga mining companies na itataas ang kanilang binabayarang buwis kung malalapastangan ang kalikasan at kung hahayaan nilang masira ang mga kabundukan at ilog bunsod ng kanilang mining operations.
Ang kumprehensya ay tatagal hanggang bukas at may tema itong “Responsible Mining: Moving Beyond Compliance.”
Dinadaluhan ito ng mga opisyal ng mining companies, investors, financiers, government policy makers, government regulators, mga ekonomista at maraming iba pa.
Kasunod nito sa labas ng hotel Sofitel, nagkilos protesta din ang mga makakalikasan at mga katutubo.
Bitbit nila ang mga plakards at streamers kung saan nais nilang isara at isuspende ang lahat ng mining companies na nagdudulot lamang ng pinsala sa kalikasan.
Ayon kay Aya Santos ng Sandugo, layon lamang ng mining conference na imbetahan ang mga foreign investors na magmina sa Pilipinas para wasakin at babuyin ang kalikasan kapalit ng limpak-limpak na salapi na iilan lamang ang makikinabang.