Bumuo na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng composite team na siyang mag-iimbestiga sa quarrying operations sa paligid ng Bulkang Mayon na nagdulot ng mud at lahar flow sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Rolly.
Nabatid na aabot sa 300 bahay ang natabunan at anim na residente ang nasawi sa Guinobatan, Albay dahil sa mapaminsalang mud at lahar flow.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ang team ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Mines and Geosciences Bureau, Environmental Management Bureau at provincial government ng Albay.
Pinasuspinde rin ni Cimatu ang aktibidad ng 12 quarrying operators sa paligid ng bulkan.
Layunin ng imbestigasyon na masuri ang operasyon ng 12 quarrying sites para malaman kung tumatalima ang mga ito sa quarrying regulations.
Ang Provincial-City Regulatory Mining Board (PCRMB) ang nangangasiwa sa quarrying operations sa lalawigan.