DENR, ipinahinto ang illegal quarrying activities sa Lian, Batangas

Ipinahinto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang quarrying activities sa Lian, Batangas dahil sa pag-operate nang walang kaukulang permiso.

Kasunod ito ng joint-surveillance activity ng DENR, ng Environmental Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP) at DENR-Mines and Geosciences Bureau sa CALABARZON sa isinasagawang quarry operations sa Sitio Matuod, Barangay Binubusan, Lian.

Naaresto sa operasyon ang anim na quarry workers na patunay sa ilegal na aktibidad kahit na may inilabas na cease and desist order sa may-ari na si Francis Limjoco III.


Nakumpiska rin ang apat na unit ng backhoe at limang dump trucks kabilang ang “illegally sourced minerals” na tinatawag na andesite na isang volcanic rock na tinatayang may halagang mahigit P3, 000.

Base sa “list of existing holders” ng Special Permit to Transport and Dispose ng Batangas Provincial Environment and Natural Resources Office, walang transport permit na ipinagkaloob sa bayan ng Lian.

Naglabas din ng sertipikasyon ang DENR-MGB sa CALABARZON na nagsasabing walang balidong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na ipinagkaloob sa naturang munisipalidad.

Facebook Comments