Umaasa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang paggamit ng bisikleta bilang pampublikong transportasyon ay magpatuloy kahit matapos ang pandemya.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang epekto ng climate change.
Bukod sa pagbawas sa polusyon sa hangin, ang iba pang benepisyo ng pagbibisikleta at paglalakad ay makamenos sa gastos at mapanatiling mabuti ang kalusugan.
Para makahikayat pa sa maraming tao na gumamit bisikleta sa Metro Manila, magtatayo ang pamahalaan ng 600 kilometer inter-connected, protected bike lanes, racks at bicycle sharing systems.
Ang proyekto ay mayroong 1.3 billion pesos na pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 1052 na nagdedeklara sa ika-apat na Linggo ng Nobyembre bilang National Bicycle Day.