Itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gumuho na ang inilagay na dolomite sand sa Manila Bay na bahagi ng kanilang ginawang proyekto.
Ayon kay Spokesperson Usec. Benny Antiporda, walang katotohanan ang mga lumabas na ulat hinggil sa pagguho ng inilagay na dolomite sand sa Manila Bay.
Iginiit pa ni Antiporda na hindi pa nalalagyan ng dolomite sand ang nakitang itim na buhangin sa isang bahagi ng Manila Bay at kasalukuyan nila itong nililinis para mawala ang mga dumi at basura bago lagyan ng dolomite.
Aniya, tila hinahanapan ng butas ang mga ginagawa nilang pagpapaganda at paglilinis sa Manila Bay para lang i-discredit o siraan ang nasabing proyekto.
Nanindigan din si Antiporda na handa nilang tapusin ang Manila Bay beach nourishment project at tiniyak nito sa publiko na matatapos nila ito sa takdang panahon.
Nakahanda naman si DENR Sec. Roy Cimatu na ipasara ang dolomite site sa Cebu, kung saan kinuha ang itinambak sa Manila Bay kung mapatutunayan nilang may paglabag ito sa environmental laws.