Maglalagay ng dalawa punto limang kilometrong trashboom ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maharang ang mga basurang umaabot sa Baywalk ng Manila Bay.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda na target nilang ilagay ang naturang trash boom ngayong taon upang maipon at matanggal ang mga basura sa karagatan ng Maynila.
Nilinaw din ni Antiporda na tuluy-tuloy at hindi bumagal ang paglilinis ng binuong Inter Agency na nakatutok sa Manila Bay Rehabilitation Program subalit aminado si Antiporda na bahagyang naapektuhan sa panig ng Enforcement dulot ng nagdaang Eleksyon.
Paliwanag ni Antiporda na inuuna lamang nila ang original projects nga DENR na nakatuon sa paglilinis ng mga creeks at ilog upang hindi maabot ng polusyon ang tubig na patungo sa Manila Bay.
Napag-alamang may hinihintay pang tinatayang P2.3 bilyong pondo na ilalaan sa Manila Bay Rehabilitation para sa puspusang operasyon ng proyekto kabilang dito ang dredging, pagsasaayos ng communal septic tanks habang ang iba naman ay para sa relokasyon ng mga Informal Settlers.
Nabatid na 52,000 na lamang ang colliform level ng Manila Bay mula sa dating 1.3 billion colliform level kung saan nagkakaroon pa rin ng pabagu-bagong level kung kayat patuloy na nakatutok ang inter agency.
Target ng DENR na maibalik sa dating anyo ang Manila Bay kung saan makikita noong malinis at swimmable o napaglalanguyan pa ng publiko ang naturang karagatan.