DENR, may mga hakbang na para matiyak ang sapat na supply ng tubig ngayong dry season

Gumagawa na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga hakbang para matiyak na magiging sapat ang supply ng tubig sa bansa ngayong dry season.

Ayon kay DENR Sec. Jim Sampulna, nakikipag-ugnayan na ang National Water Resources Board (NWRB) sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Irrigation Administration (NIA), water concessionaires at sa mga samahan ng mga magsasaka para mapagtuunan ang supply ng tubig na nanggagaling sa Angat Dam.

Aniya, naghahanap na rin sila ng ibang mapagkukunan ng tubig gaya ng deep well at sisimulan na rin ang cloud seeding operation sa Angat Dam.


“Ilan sa mga ito ay sa pamamagitan ng paghahanda sa puwedeng mapagkunan ng karagdagang tubig bukod po sa Angat Dam, mula sa mga deep wells dito sa Metro Manila at mga water treatment facilities sa Laguna Lake, Marikina River at Cavite. Naka-schedule din pong magsagawa ng cloud seeding operation na posibleng makatulong sa pagkakaroon ng ulan sa Angat water. Kasi napapansin ninyo, ulan ng ulan, hindi naman umuulan doon sa may Angat, malapit sa Angat Dam. Sa Mindanao, panay ang ulan, pero dito sa atin, wala.” ani Sampulna

Nauna nang naglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng Government-Owned or Controlled Corporation (GOCC), state universities and colleges, iba pang kagawaran at sangay ng pamahalaan na magtipig sa pagkonsumo ng tubig.

Hinikayat din ni Sampulna ang publiko na maging responsable sa paggamit at pag-recycle ng tubig.

Facebook Comments