
Nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga kandidato na ipairal ang ligtas at eco-friendly election campaign.
Ayon sa DENR, ipinagbabawal ang pagpako’t pagdikit ng mga campaign material sa mga puno.
Alinsunod sa Section 18 ng COMELEC Resolution No. 10294 (2018), ipinagbabawal ang pagkakabit ng campaign materials sa mga puno at iba pang mga lugar maliban sa mga itinalagang “common poster areas”.
Sa ilalim naman ng Section 3 ng Republic Act No. 3571, ipinagbabawal ang pagputol, pagsira, o pananakit ng mga puno at iba pang mga halaman na nakatanim sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa ahensya, ang mga mapatunayang lumabag ay parurusahan ng pagkakakulong ng mula anim hanggang 12 taon.
Dagdag dito, muling pinapaalalahanan ng DENR- National Capital Region (NCR) ang lahat ng mga tatakbo at mga taga-suporta sa halalan na gumamit ng mga eco-friendly na mga materyal para sa pangangampanya.