Kasunod ng mga ulat ng pagkatapon at pagkalat ng medical waste sa panahong may COVID-19, nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga lokal na pamahalaan na mananagot ang mga ito sakaling hindi maayos ang kanilang pamamahala sa pagtatapon ng mga medical waste.
Ito’y upang matiyak ang kaligtasan sa kalusugan at kapaligiran sa gitna ng Coronavirus pandemic.
Sinabi ni DENR Undersecretary for Solid Waste Management and LGUs Concerns Benny Antiporda, na mananagot ang mga Local Government Unit (LGU) sa ilalim ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Kasunod naman ito ng pagkatapon at pagkalat ng medical waste tulad ng face mask at gloves sa bicycle lane sa EDSA malapit sa White Planes sa Quezon City noong nakalipas na araw.
Maging ang mga hospital at iba pang health care facilities ay pinaalalahanan din ng DENR sa kanilang obligasyon.
Dapat pinaghihiwalay ang kanilang basura gamit ang color-coded bags at pagdisinfect sa medical waste.
Maging ang publiko ay hinimok din na makipagtulungan upang maiwasan ang pagkalat ng anumang nakakahawang sakit.