Nagbigay ng free legal counseling ang legal team ng Department of Environment and Natural Resources kapalit ng pakikibahagi ng mga residente na sakop ng ginawang paglilinis sa mga estero.
Partikular na nakinabang dito ay ang mga residente sa coastline ng Barangay Sipac Almacen sa Navotas City.
Ang Sipac Almacen sa lungsod ng Navotas ay napapaligiran ng Manila Bay sa kanluran at ng highly polluted na Malabon-Navotas River sa silangan.
Ayon kay LAS Director Norlito Eneran, ang mga nakilahok ay binigyan ng tig-isang kupon sa bawat sako ng basura na naipon nila. Ang kupon ay may kapalit na libreng legal counseling.
Bukod sa staff ng LAS, katuwang din ang Lawyers Guild Inc. ng DENR, Malabon-Navotas Chapter ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang Public Attorneys’ Office ng Quezon City sa pagbibigay ng free legal consultation sa lahat ng nakilahok sa paglilinis.
Ang bawat division ng LAS ay nakatalaga sa isang barangay sa Malabon-Navotas river system. Mayroon ding kinatawan ang bawat division na siyang makikipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa komunidad.
Nagsumite ang bawat grupo ng kani-kanilang plano para sa naturang river system tulad ng cleanup drive; information and education campaign; enforcement of environmental laws; at monitoring and evaluation.
Ang naturang cleanup drive ay binuo bilang bahagi ng “Battle for Manila Bay”, na pinangungunahan ng inter-agency task force.