DENR, nangako ng mas pinaigting na disaster risk and impact assessment kasunod ng flash floods dulot ng Bagyong Paeng

Nakita ngayon ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang pangangailangan ng mas pinaigting na disaster risk and impact assessment kasunod ng malawak na pinsalang iniwan ng Bagyong Paeng.

Nauna rito, lumitaw sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot sa 554 na lugar mula sa 17 regions ang nalubog sa tubig baha dahil sa Bagyong Paeng.

Sa kabuuan, abot sa 1.9 million na katao ang naapektuhan.


Nangako si Secretary Loyzaga na tutulong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagkalap at pag-analisa ng mga datos na mahalaga sa paglalatag ng epektibong aksyon o mabilisang tugon sa mga bulnerableng komunidad sa panahong may bagyo at iba pang kalamidad.

Itinalaga ng kalihim sina DENR Undersecretaries Augusto dela Peña at Joselin Marcus Fragada bilang mga focal persons na tutulong sa Office of the Civil Defense at iba pang government agencies upang plantsahin ang mga gagawing hakbang sa susunod na mga araw.

Inatasan din niya ang Mines and Geosciences Bureau na kalapin ang mga ulat na may kaugnayan sa nangyaring mga pagbaha at landslide sa iba’t ibang lugar.

Facebook Comments