Isinampa na ng National Bureau of Investigation sa DOJ ang kaso laban sa walong opisyal at kawani ng DENR na isinasangkot sa iligal na pagpasok ng mga basurang galing Canada.
Kasong paglabag sa R.A. 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990 ang isinampa laban kina DENR Undersecretary Atty. Juan Miguel Cuna, DENR- Environmental Management Bureau personnel na sina; Irvin Cadavona, Geri Geronimo Sañez At Renato Cruz.
Kinasuhan din ang apat na mga personnel ng Bureau of Customs (BOC) na kinabibilangan nina Benjamin Perez Jr., Eufracio Ednaco, Matilda Bacongan, Jose Saromo.
Batay sa imbestigasyon ng NBI environmental crime division, sangkot ang mga nasabing indibidwal sa pag-isyu ng ng import clearance sa Chronic Plastics Inc., Canada para sa pagpasok ng scrap plastic materials sa kabila ng kabiguan nitong maibigay ang mga kinakailangang impormasyon na hinihingi sa pagkuha ng nasabing dokumento.
Bigo rin ang EMB Personnel na suriin ang aplikasyon ng nasabing kumpanya bago aprubahan ang registration bilang importer at nagawang makakuha ng rekumendasyon para itoy maaprubahan ng EMB director.
Nagawa din mabago ng mga nakatalagang BOC examiner at appraiser ang tagging ng kargamento mula sa “yellow”, ay ginawang “green”, at “red” ay nagawang “green”kayat naipagpatuloy ang pagpasok ng mga basura mula sa Canada
Magugunitang mismong ang Pangulong Duterte ang nagbanta na ibabalik nito ang 103 containers na basura mula Canada.