DENR Sec. Roy Cimatu, nilinaw sa Kamara na hindi delikado sa kalusugan at sa kapaligiran ang inilagay na dolomite sand sa Manila Bay

Nilinaw ni Environment Secretary Roy Cimatu na hindi masama sa kalusugan at sa kapaligiran ang ibinuhos na dolomite sand sa Manila Bay.

Sa pagdinig ng ₱25.5 billion na 2021 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Kamara, ipinaliwanag ni Cimatu na hindi ‘harmful’ o hindi delikado sa kalusugan ng publiko ang dolomite sand dahil mas malaki at mas mabigat kumpara sa ordinaryong buhangin ang kanilang binili na crushed dolomite boulders.

Paliwanag pa ni Cimatu, tatlong beses na mas malaki ang dolomite granules na ginamit kumpara sa ordinary sand.


Paglilinaw pa nito, nagiging delikado lamang ang dolomite kung ito ay minimina at mala-pulbos ang itsura pero ang ilalagay na dolomite sa Baywalk ay wala nang dust particles kaya’t walang dapat ikabahala ang publiko.

Bukod dito, nagsagawa rin sila ng technical study bago ang ginawang pagbubuhos ng crushed dolomite boulders sa Manila Bay kung saan tiniyak ni Cimatu na hindi ito basta-basta aanurin ng tubig.

Mayroon aniyang 100 meter geo-tube na inilagay sa Manila Bay na parallel sa shoreline na magho-hold sa buhangin sa tuwing may malakas na alon.

Makakatulong din aniya ang dolomite para linisin ang tubig sa Manila Bay at hindi lamang ito ang unang beses na may gumamit ng dolomite sand sa mga beaches sa bansa.

Pagdating naman sa pondo, nilinaw ni Usec. Jonas Leones na ang ₱389 million na budget sa beach nourishment ng Manila Bay ay galing sa ibinigay na special fund ng Department of Budget and Management (DBM) noong 2019 pa na nakalaan talaga para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa pondong ito ay ₱28 million lamang ang inilaan para sa pagbili ng dolomite sand at ang natitira ay para sa iba pang proyekto para sa paglilinis at pagpapaganda ng Manila Bay.

Facebook Comments