Priyoridad ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis sa katubigan ng Manila Bay bago muling buksan sa publiko ang Dolomite Beach sa bahagi ng Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Jonas Leones, layon nilang makapaligo o makapaglangoy sa Dolomite Beach ang mga bibisita roon.
Ani Leones, tinatrabaho nila ngayon ang paglalagay ng drainage system sa Manila Baywalk na bahagi ng Padre Faura, Remedios at Abad.
Aniya, ang mga wastewater na dumadaloy mula sa mga kabahayan at industriya ay padadaluyin sa sewage treatment plant habang ang floodwater ay padaraanin sa high-density polyethylene pipe na may habang 400 meters mula sa sea wall.
Lahat aniya ng aktibidad na ito ay targetna makumpleto sa first quarter of 2022 kasabay ng posibleng pagbabago sa alert level status sa NCR.