Umaapela ang Department of Environment and Natural Resources sa publiko na tigilan na ang patuloy na pagtatapon ng dumi o basura sa mga estero, mga daluyan ng tubig at sa mga lansangan.
Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, wala daw mangyayaring pagbabago kung hindi titigilan ng publiko ang kanilang nakagisnan na gawain sa hindi tamang pagtatapon ng kanilang mga basura.
Iginiit pa ng kalihim na kahit taon-taon na nagiging matagumpay ang clean-up drive, mas maigi daw kung manggagaling sa sarili ang disiplina upang hindi na masayang ang pagsisikap na malinis ang kapaligiran.
Kung magpapatuloy sa pagtatapon ang publiko sa mga estero ay madadala lang daw ito sa Pasig River maging sa Manila Bay kaya’t wala din saysay kung hindi sila titigil sa maling gawain.
Sinabi ng kalihim ang pahayag kasunod ng isinagawang international clean-up drive kung saan umabot sa 23 toneladang basura ang nahakot sa Manila Bay.