Dentista na sakay ng hoverboard habang nagbubunot ng ngipin ng pasyente, guilty sa 46 na kaso

Screenshot from video courtesy of KTUU

ALASKA, United States — Napatunayang guilty sa dose-dosenang kaso ang isang dentista sa Anchorage na nakuhanang nagbubunot ng ngipin ng pasyente habang nakatungtong sa hoverboard.

Hinatulan si Seth Lookhart noong Biyernes, Enero 17 sa 46 na kaso kabilang ang unlawful dental acts, reckless endangerment at medical assistance fraud, ayon sa KTUU.

Bago ang bidyo ng pagho-hoverboard, nandaya rin ng dental insurance ang dentista noong 2014.


Lumabas na nagsagawa ng mga hindi kinakailangang proseso sa pasyente ang dentista upang singilin ng mas mataas ang Medicaid, insurance na pinopondohan ng gobyerno.

Noong nakaraan buwan naman, tumestigo sa korte ang pasyente sa bidyo kung saan sakay ng hoverboard ang dentista habang nagbubunot ng ngipin.

Sinabi ni Veronica Wilhelm na hindi niya pinahintulutan si Lookhart na mag-hoverboard at hindi rin umano niya alam na kinukuhanan ng bidyo ang buong proseso.

Nadiksubre ring ipinakalat ni Lookhart ang bidyo sa walong katao at inilarawan itong “new standard of care”.

Nakatakdang sintensyahan ang dentista sa katapusan ng Abril.

Facebook Comments