Department of Agriculture, mistulang Department of Angkat na ayon sa isang Senador

Dismayado si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na tila pag-angkat na lang palagi ang solusyon ng Department of Agriculture (DA) kapag may kinukulang sa suplay ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng mga gulay, prutas, bigas at isda.

Dahil dito ay sinabi ni Pangilinan na mistulang Department of Angkat na ang DA.

Sinabi ito ni Pangilinan sa harap ng pasya ng DA na umangkat ng 60,000 metriko tonelada ng isda tulad ng galunggong.


Ikinalulungkot ni Pangilinan na gagawin ito ng DA kahit sinasabi ng mga mangingisda at iba’t-ibang fishing industries na wala namang kakulangan sa suplay ng isda sa bansa.

Binanggit ni Pangilinan na ang pinakamalaking supplier natin ng isda ay China kaya mukhang inuuna pa umano ng DA ang interes ng Chinese fishermen na mukhang sa atin din kumukuha ng mga isda nila.

Para kay Pangilinan, itong pag-i-import ng iba’t ibang produkto sa ibang bansa ay isang malaking insulto sa kasipagan at dedikasyon ng ating mga mangingisda at magsasaka.

Giit ni Pangilinan, sa halip na umangkat ay dapat buhusan pa ng suporta ng gobyerno ang ating mga mangingisda at magsasaka para lumakas ang produksyon nila.

Facebook Comments