Department of Agriculture, pinaiimbak ni Pangulong Marcos Jr., ng dalawang buwang stocks ng asukal

Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) na simulan na ang pagiimbak ng asukal para sa dalawang buwan.

Ang direktiba ay ginawa ng pangulo sa ipinatawag nitong sectoral meeting sa Malacañang sa mga opisyal ng DA kahapon.

Ginawa naman ng pangulo ang utos matapos i-report ng DA na ang prevailing retail price ng asukal mula October 2022 hanggang ngayong January 2023 ay mas mataas kumpara sa presyo mula October 2021 hanggang January 2022.


Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, ang dalawang buwang buffer stock ng asukal ay para mapigilan ang pagtaas pa ng presyo nito at para hindi magkaroon ng kakulangan sa suplay.

Sinabi naman ng pangulo, inaayos na nila ang schedule ng pag-angkat ng asukal para hindi naman masapawan ang local produce.

Sa report ng mga opisyal ng DA sa pangulo, naitala ang raw sugar production sa mahigit 877,000 metriko tonelada hanggang nitong nakalipas na January 8, mas mataas ng 22.41% kumpara sa produksyon noong isang taon na naitala sa higit 716 libong metriko tonelada.

Ang refined sugar production naman sa parehong panahon ay naitala sa higit 132,000 metriko tonelada o mas mataas ng 8.68 percent kumpara sa produksyon noong isang taon na naitala sa higit 121,000 metriko tonelada.

Facebook Comments