Manila, Philippines – Kumpyansa ang Department of Agriculture (DA) na matatapos na ang culling operation o pagpatay sa poultry livestock na apektado ng bird flu virus sa mga bayan nga Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija ngayong araw.
Ito’y matapos isailalim sa State of Calamity ang dalawang bayan dahil sa outbreak.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol – sakaling wala nang maiuulat na kaso ng avian influenza sa loob ng 21 araw ay masasabi nang contained na ang outbreak na nagsimula sa San Luis, Pampanga.
Paliwanag ng kalihim, 21 araw kasi ang incubation period ng bird flu kaya kung wala nang kaso nito sa loob ng nasabing period, ibig sabihin hindi na kumalat pa sa ibang lugar sa Nueva Ecija ang nasabing virus.
Samantala, kinumpirma ng kalihim na tapos na ang culling operations sa pampanga at nasa proseso na sila ng disinfection.
Positibo rin ang DA na malinis sa bird flu ang manok na nasa merkado dahil na rin sa ipinatupad nila sa firewall sa pampanga tulad ng 1-kilometer quarantine area at 7-kilometer transport ban zone.