Halos dalawang buwan bago ang target school opening sa August 24, 2020, tiwala ang Department of Education (DepEd) na magiging maayos ang pagbubukas ng klase ngayong taon.
Ito ay sa kabila ng mga kinakaharap na problema ng DepEd dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa interview ng RMN Manila kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, sinabi nito na on track ang kagawaran para sa gagawing blended learning.
Ayon kay San Antonio, nasa final revision na ang mga learning modules na gagamitin ng mga bata kung saan tiyak na matatapos ito bago ang pasukan.
Sa ilalim ng blended learning, gagamit ang DepEd ng online, printing modules, radyo, at telebisyon na paraan para sa pagtuturo sa mga bata.
Habang ang mga batang hindi kayang turuan ng kanilang mga magulang o ng kanilang guardian, sinabi ni San Antonio na kukuha sila ng volunteer home learning facilitators para magabayan ang mga ito.
Batay sa record ng DepEd as of June 22, 2020, pumalo na sa mahigit 13 million estudyante ang nakapagpa-enroll para sa School Year 2020-2021 at tiwala sila na maaabot nila ang target na 22 million enrollees ngayong taon.